Ang mga Maaaring Gawin ng mga Pangkaraniwang Tao para Labanan ang Pagtaas ng mga Insidenteng Bunsod ng Pagkamuhi
Ayon sa pananaliksik, 75% ng mga tao ang nag-ulat na sila’y gumagawa ng interbensyon pagkatapos makatanggap ng pagsasanay sa interbensyon ng bystander
Mayo 31, 2022 (New York, NY) — Ang AARP, Right To Be (dating Hollaback!), at Asian Americans Advancing Justice – AAJC ay nagtulungan ngayong Buwan ng Pamana ng Mga Asian American, Katutubo ng Hawaii, at Taga-Isla Pasipiko para makabuo ng serye ng mga animated na video para ipakita ang mga pamamaraan ng interbensyon ng bystander (paano tukuyin ang panliligalig at ligtas na gumawa ng interbensyon) sa mas malawak na saklaw ng madla. Ipinapakita ng bagong data na 75% ng mga taong nakasaksi ng panliligalig ay nag-ulat na nagawa nilang gumawa ng interbensyon pagkatapos nilang dumalo sa pagsasanay ng Right To Be.
Sa nakalipas na dalawang taon, naging biktima ang Asian Americans ng mga kasuklam-suklam na pag-atake at pasalitang pananakit. Sa kasamaang-palad, lalo lamang lumaki ang pangangailangan para sa pagsasanay sa interbensyon ng bystander. Iniulat ng FBI na ang mga insidente ng krimeng bunsod ng pagkamuhi na inudyukan ng pagkiling laban sa mga Asyano noong 2020, kumpara sa 2019, ay tumaas ng 76%. Ipinapakita ng “5Ds ng Bystander Intervention,” ang animated video ng Right To Be, ang mga magagawang hakbang para tugunan ang iba’t ibang anyo ng panliligalig.
“Nang nagsimulang makita ng Asian Americans Advancing Justice – AAJC (Advancing Justice – AAJC) ang pagtaas ng pagkamuhi at panliligalig laban sa Asian Americans sa simula ng pandemyang COVID-19, nagawa naming makipagtulungan sa Right To Be para iakma ang kanilang pagsasanay sa interbensyon ng bystander para tugunan ang poot at panliligalig laban sa mga Asyano,” sabi ni Marita Etcubañez, Senior Director ng Mga Estratehikong Inisyatiba ng Advancing Justice – AAJC. “Mula nang inilunsad ang aming serye ng pagsasanay noong Abril 2020, nakipag-ugnayan at nakapagbigay na ng pagsasanay ang Right To Be at Advancing Justice – AAJC sa higit sa 120,000 tao.”
Ang pamamaraan ng Right To Be ay binubuo ng limang paraan ng interbensyon ng bystander. Inilalarawan ng bawat animation ang isa sa limang paraan, na binuo at sinubukan sa nakaraang dekada ng Right To Be sa pamamagitan ng mga sesyon ng pagsasanay nito na nakatulong sa daan-daang libong Amerikano na matutuhan kung paano sagutin ang tanong na, “Ano ang dapat kong gawin?”
“Makakasaksi tayo ng panliligalig sa iba’t ibang anyo, mula sa mga palihim na negatibong pagkilos dahil sa lahi (racial micro-aggression) sa araw-araw na buhay hanggang sa lantarang diskriminasyon sa kasarian sa lugar ng trabaho. Kadalasang gusto nating hindi lumala ang sitwasyon, pero hindi natin alam kung paano,” sabi ni Emily May, Co-Founder at Executive Director ng Right To Be. “Ipinapakita ng animated na serye kung paano pinakamahusay na pangasiwaan ang mga pagkakataon ng panliligalig bilang isang bystander. Layunin nating gawing mga kaalayado ang mga bystander!”
Tulad ng sitwasyon para sa maraming taong may kulay, nakakaramdam ang Asian Americans na hindi sila ligtas at nabubuhay sila nang may takot. Nasiyahan ang mga katuwang na makita ang pagbuhos ng suporta, dahil mahigit sandaang libong tao na ang nag-sign up para sa mga sesyon ng pagsasanay sa interbensyon ng bystander, pero ngayon, sa pamamagitan ng mga bagong videong ito, sabik ang mga katuwang na organisasyon na makipag-ugnayan sa higit pang tao sa pamamagitan ng paraang ito.
“Sa pag-uulat ko tungkol sa pagkamuhi laban sa mga Asyano at mga pag-atake laban sa mga komunidad ng Black, Latina/o/x, at LGBTQIA+ sa nakaraang sampung taon, nakita ko kung paano ginugusto ng mga bystander na tumulong, pero hindi sila sigurado kung paano,” sabi ni Richard Lui, isang tagapag-ulat sa NBC News/MSNBC na nagboluntaryong idirekta ang serye sa ngalan ng Asian American Journalists Association. “Mas malaki higit kailanman ang pangangailangang mabigyan ng kakayahan ang mga tao na ligtas na gumawa ng interbensyon at bawasan ang kasidhian ng sitwasyon.”
Ang limang video ay batay sa mga 5D na estratehiya sa interbensyon ng bystander na binuo ng Right To Be:
- Distract (Paggambala): Paggawa ng gambala para mabawasan ang kasidhian ng sitwasyon;
- Delegate (Pag-delegate): Paghanap ng ibang taong makakatulong;
- Document (Pagdokumento): Pagdokumento ng insidente at pagkatapos pagbigay ng dokumentasyon sa taong dumanas ng panliligalig;
- Delay (Pag-antala): Pangumusta sa taong nakaranas ng panliligalig;
- Direct (Pagdirekta): Pagtakda ng hangganan sa taong nanliligalig at pagkatapos paglipat ng atensyon sa taong dumaranas ng panliligalig.
“Sa pamamagitan ng mga animated na videong ito, nilayon naming maipakita ang iba’t ibang uri ng tao at lugar, para makita ng mga manonood ang kanilang mga sarili sa mga bystander na nakikitang gumagawa ng interbensyon,” sabi ni Alex Lo, na gumawa ng serye.
Ang pangkat ay aktibong nasa mga talakayan para maipakita ang mga animated na videong ito sa mga sinehan ng AMC sa buong bansa kasama sa mga ipinapakita bago magsimula ang pelikula at sa mga plataporma ng Comcast NBCUniversal bilang mga anunsiyo hinggil sa pampublikong serbisyo.
Pinamunuan ng animator na beterano sa industriya na si Davy Liu (Beauty and the Beast at Mulan ng Disney, at higit pa) ang pangkat ng tatlong animator, at sinulat ng pinararangalang kompositor na si Zev Burrows ang orihinal na score para sa seryeng may limang bahagi. Ang mga karakter sa serye ay kumakatawan sa bawat malaking pangkat etniko (Asyano, Black, Latinx, Katutubo, at puting Amerikano) at rehiyon ng bansa (Hilaga, Timog, Silangan, Kanluran, at Isla Pasipiko). Ibinibigay ang mga videong ito sa Mandarin, Cantonese, Thai, Hindi, Korean, Vietnamese, Tagalog, pati na rin sa Ingles at Espanyol.
“Ang pagbibigay ng mga kritikal na mga materyales sa pagsasanay sa interbensyon ng bystander sa angkop na wika ay makakatulong lalo na sa ating mga nakatatanda at taong nagsasalita ng limitadong Ingles na nalalantad sa panganib,” dagdag ni Daphne Kwok, VP ng Pagkakaiba-iba, Katarungan at Pagsasama sa AARP.
Noong unang bahagi ng nakaraang taon, isang maikling paglalarawan ng mga 5D ang lumabas sa isang anunsiyo hinggil sa pampublikong serbisyo na ginawa katuwang ang Advancing Justice – LA na isinalaysay ng aktor na si Ken Jeong at na-animate ng pinararangalang ilustrador na si James Yang. Ang mga bagong videong ito, pati na ang PSA, ay mahahalagang bahagi ng mas pinalaking pakikipagtulungan at pagkakaugnay ng Right To Be at Asian Americans Advancing Justice sa buong bansa para palawakin ang saklaw ng pagsasanay sa interbensyon ng bystander.
Para sa higit pang impormasyon, kasama ang kung paano magparehistro para sa mga libreng pampublikong sesyon ng pagsasanay sa interbensyon ng bystander, na pinamumunuan ng Right To Be at Advancing Justice – AAJC, tingnan ang https://righttobe.org/trainings/bystander-intervention-to-addess-antiasian-harassment/