Ang kuwentong ito ay bahagi ng isang pana-panahong serye sa mahahalagang kapakinabangan sa komunidad na nagmumula sa pagtugon sa 2020 Senso.
Nakatira ka man sa isang malaking lungsod o sa isang maliit na sangandaan, sa mga suburb, o sa isang bangkang naglalayag sa bawat puerto, ang pagsagot sa 2020 Senso ay kritikal para sa iyong komunidad.
Ngunit ang isang komunidad ay hindi laging isang pangheograpiyang lokasyon, gaya ng isang bayan o kapitbahayan. Ito ay hindi lamang kung nasaan ka ngunit kung sino ka rin. Ang iyong “komunidad” ay maaaring mga taong katulad mo o mga taong gumagawa ng mga bagay sa buhay na kagaya ng sa iyo, saanman ang kanilang pisikal na tirahan.
Halimbawa, maaari kang maging bahagi ng mga estudyante sa kolehiyo ng komunidad sa buong bansa, hindi lamang ng mga estudyante sa kolehiyo sa, halimbawa, University of California, Irvine. O maaari kang maging bahagi ng komunidad ng mga magulang na Taglish ang sinasalita na may mga anak sa mga paaralang elementarya sa buong bansa, hindi lamang sa paaralan ng iyong anak.
Ang mga sagot sa senso ay ginagamit upang lumikha ng estadistika tungkol sa kung gaano karaming tao ang naninirahan sa anumang mga lugar at kung sino sila ayon sa edad, kasarian, lahi at etnisidad. Kapag isinama ang estadistikang iyon sa ibang data, mas may kakayahan ang mga gumagawa ng batas na magpasya ng tungkol sa kung paano ilalaan ang bilyun-bilyong dolyar sa pederal na pagpopondo para sa mga kritikal na serbisyong publiko gaya ng mga ospital, paaralan, pagpapaayos ng daan, at mga serbisyo ng pagtugon sa emerhensya para sa susunod na 10 taon.
Napakaraming programa ang nakatuon sa mga espesipikong komunidad ng mga tao gaya ng mga estudyante sa kolehiyo at mga batang pumapasok sa paaralan.
Narito ang kung paano tutulong ang 2020 Senso sa pagbibigay-hugis sa kinabukasan ng mga espesipikong komunidad ng mga taong magkakatulad saanman sila nakatira sa buong bansa.
Mga Batang Pumapasok sa Paaralan at ang Kanilang mga Magulang
Ang pagkakaroon ng kaalaman sa kung gaano karaming bata ang nakatira sa isang komunidad ay magkakaloob ng pundasyon para sa mahahalagang desisyon sa patakaran at pagpaplano sa susunod na 10 taon.
Halimbawa, dapat bang magpatayo ang isang komunidad ng isang bagong aklatan? Isang bagong paaralan? Dapat ba nitong palawakin ang Head Start para sa pre-K na mga bata?
Kaya napakahalagang bilangin ang bawat isang nakatira sa iyong tirahan, kabilang ang mga sanggol na ipinanganak noong o bago ang Abril 1, 2020. Siguraduhing binibilang ang mga anak ng mga kamag-anak (gaya ng mga pamangkin at apo), kaibigan o iba pang taong madalas na nakatira at natutulog sa iyong tirahan.
Ang mga resulta sa senso ay maaaring maapektuhan ang pagpopondo para sa maraming programang nakatuon sa mga batang pumapasok sa paaralan.
Sa mga ito:
Ang Pambansang Programa para sa Tanghalian sa Paaralan, isang programa ng Kagawaran ng Agrikultura ng U.S. na pinopondohan ang mga tanghaliang libre o nasa mababang halaga para sa mga estudyanteng napapabilang sa mga sambahayang may mababang kita.
Ang mga gawad ng Titulo 1 para sa mga lokal na paaralan, isang programa ng Kagawaran ng Edukasyon ng U.S. na tumutulong sa mga paaralang may mataas na porsyento ng mga estudyanteng mula sa mga sambahayang may mababang kita.
Ang Programang Head Start para sa mga bata sa preschool na mula sa mga sambahayang may mababang kita.
Pagsasanay sa mga guro, gaya ng Gawad ng Estado sa Pagpapabuti ng Kalidad ng Guro na mula sa Kagawaran ng Edukasyon na makukuha ng mga paaralan sa buong bansa.
Tulong sa pabahay.
Mga Taong Nasa Edad na 65 taon at Pataas
Ang bilang ng mga taong nasa edad na 65 taon at pataas sa Estados Unidos ay mabilis na dumami sa malaking bahagi ng ika-20 siglo, mula 3.1 milyon noong 1900 hanggang 35 milyon noong 2000.
Noong 2018, mayroong 52 milyong taong nasa edad na 65 taon at pataas, XXX milyon sa mga ito ay mga Asyanong Amerikano, ayon sa tantiya sa populasyon ng Kawanihan ng Senso. Ang bahagi ng populasyon ng matatanda sa pangkalahatang populasyon ay lumaki rin, mula 12.4% noong 2000 hanggang 16.0% noong 2018.
Kabilang sa mga programang gumagamit ng estadistika ng Kawanihan ng Senso upang tulungan ang mga matatanda ay ang pagprotekta sa mga tirahan laban sa mga elemento ng panahon at mga gawad para sa pabahay para sa mga taong may mababang kita na mahigit sa edad na 65 taon.
Mga Imigrante at Refugee
Ang bawat isang naninirahan sa U.S. ay binibilang sa 2020 Senso, kabilang ang mga nagmumula sa ibang bansa, mga narito dahil sa visa, at mga hindi mamamayan. Kabilang sa mga programang apektado ng estadistika ng senso ang:
Mga Gawad para sa Pag-aaral ng Wikang Ingles, isang programa ng Kagawaran ng Edukasyon ng U.S. na tumutulong sa pagbibigay ng edukasyon at pagtuturo ng Ingles sa mga bata at kabataang may limitadong kasanayan sa Ingles.
Mga May-ari ng Negosyo
Maaaring gamitin ng mga empresaryo, ehekutibo ng kumpanya, at prangkisa ang estadistika ng Kawanihan ng Senso upang tumulong sa paggabay sa mga pangunahing desisyon sa negosyo. At ang pagpopondo para sa ilang pangunahing programa ay may gabay ng data ng senso.
Ang Sentro ng Pagpapaunlad ng Maliit na Negosyo, isang programa ng Pangasiwaan para sa Maliit na Negosyo na sumusuporta sa mga may-ari ng negosyo sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Mga Gawad para sa Negosyo sa Kanayunan, isang programa ng Kagawaran ng Agrikultura na nagkakaloob ng teknikal na tulong at pagsasanay para sa maliliit na negosyo sa kanayunan.
Mga Estudyante sa Kolehiyo at ang Kanilang mga Magulang
Ilang malalaking programang binibigyang kaalaman ng estadistika ng Kawanihan ng Senso ang tumutulong sa mga estudyante sa kolehiyo, kabilang ang:
Mga Pell Grant.
Mga pederal na gawad para sa bokasyonal na pagsasanay, pagpopondong ipinagkakaloob sa mga estado noong 2015 upang mapabuti ang bokasyonal na pagsasanay sa matataas na paaralan, kolehiyo ng komunidad at mga sentro para sa teknikal na pag-aaral.